Huwebes, Setyembre 30, 2004

ang pag-iisip tungkol sa pag-iisip ay nakakasira ng isip


image from magixl.com

Nag-aayos pa rin ako sa lilipatan kong kwarto nang mahalungkat ko ang isang paper na isinulat ko sa isang philo class a few years back. Hindi ako sigurado kung sa epistemology o isa sa mga survey classes kasi walang nakalagay na label. Binasa ko at napangiti. Isinulat ko pala ito. Ganito pala ako mag-isip dati. Ewan ko ba kung anong pambobola na ginawa ko dito. Malamang nag-cram na naman ako noon. Iwa-iwarang ang logic at kung saan-saan sumusulpot ang hindi dapat. Masyadong humanist at kung ano-ano pa! hehe Haayy...college life.. :) Heto:

Ang pag-iisip ba tungkol sa pag-iisip ay makatutulong upang mas maintindihan natin ang ating sarili? Simple ang dating pero kapag pinaglaruan sa isip ay talagang mahirap sagutin. Dalawa ang kailangan isaalang-alang. Unang ang "pag-iisip tungkol sa pag-iisip" at ikalawa ang tungkol sa pag-unawa natin sa sarili pagkatapos ng pag-iisip na ito. Mahaba na ang tradisyon ng ating mga pilosopo na itinulak ang kanilang mga isipan upang marating ang hangganan ng kung ano ang kaya nating isipin bilang tao. Sila ang sumukat ng hangganan ng ating kakayahan upang mag-isip. Ang parteng iyan ng ating tanong ay maaari nating maintindihan sa pamamagitan ng pag-aaral sa kanilang mga isinulat. Hindi madali ngunit maaari. Naniniwala na nga yata ang tao na naiintindihan na niya ang kabuuhan ng "pag-iisip tungkol sa pag-iisip" kung kaya't nagtatangka na tayong gumawa ng gaya-natin sa pamamagitan ng ating teknolohiya. Sa ikalawang bahagi ng tanong ako medyo kinabahan. Ang pag-intindi sa sarili na yata ang pinakasukdulan sa lahat ng ating mga gustong matamo bilang tao. Ito ang nagtutulak sa atin sa kung anomang kinatatayuan natin ngayon. Ito yata ang bunga ng biblikal na pagkagat sa Bawal na Mansanas. Habang pinag-iisipan ko ito, nakaramdam ako ng pagod at pagkahilo. Parang pilit kong tinititigan ang puno ng aking ilong.

Ang pag-iisip tungkol sa pag-iisip ay isang gawain na sadya yatang pantao lang. Ang kakayahan natin na maging reflexive ay isa sa mga bagay sa mundo na matatawag nating atin lang. Pakiramdam ko nga ay darating ang panahon na ito na lang, kasama ang pagiging mortal, ang maipagmamalaki natin bilang mga katangian ng tao. Siguro ay magdududa an tayo kung ang kakayahang mag-isip at ang pagkakaroon ng ganitong klase ng katawan ay siyang nagpapa-tao sa atin. Ngayon pa lang ay nakakamangha na ang antas ng teknolohiya sa robotics, artificial intelligence, at artificial life. Nakagagawa na tayo ng robot o computer program na nakakalutas ng ibinibigay na problema nang walang tulong ng tao. Nabibigyan na natin ang mga makina ng emosyon. Hindi na bago sa atin ang teknolohiya ng mekanikal na mga parte ng katawan pero inumpisahan na ng mga eksperto ang paggawa ng totoong puso ng tao mula sa iisang cell. Kung maniniwala tayo sa Moore's Law na nagsasabing bawat 18 buwan ay dumodoble ang antas ng teknolohiya sa computer, mahihigitan ng ordinaryong desktop ang kakayahan ng ating utak pagdating ng taong 2040.

Ngunit duda ako kung ang tayog ng antas ng teknolohiya ay mag-aakay sa mga robot o mga computer sa kakayahang tukuyin ang sarili sa hanay ng mga bagay sa mundo. Maaaring umabot sa level na tila nag-iisip na sila pero hindi yata pwede ang makaya nilang pag-isipan ang kanilang pag-iisip. Kahit nga mga tao na'y hindi madali ito. mahirap itulak nag kakayahan nating mag-isip patungo sa isang punto de bista kung saan kaya nating lumingon at tingnan ang mismong pag-iisip natin.

Pero naging mas mahalaga kaysa dati na gawin natin ang ganitong pag-iisip dahil ito ang magpapaalaala sa atin ng ating katauhan. Isa itong salamin na ginagamit natin upang makita ang hitsura ng sarili. Magandang balikan ang mga sinabi ng mga pilosopo mula kay Descartes hanggang kay Kant sa muling pagsilip sa ating repleksyon na ito. Ako bilang isang indibidwal ay nahirapan sa pagsunod sa takbo ng isip ng mga ito pero sila ang tumulong sa akin para magawa kong mag-isip tungkol sa aking pag-iisip. Ang proseso ng cogito ergo sum bagamat sa palagay ko ay kalokohan simula't simula pa lang, ay nagturo sa atin ng paraan ng pag-iisip na hindi nangangailangan ng kahit na anong bagay sa mundo maliban sa mismong isipan. Gawa nito'y nakaya kong balewalain ang kahit ano kahit pansamantala lang upang mahiwalay ko ang sariling isip sa lahat ng iba pa. Sa dulo naman ng debate tungkol sa rationalism at empiricism, gusto ko ang punto de bista ni Kant. Ang ating isipan ay isang salamin sa mata na hindi natin mahuhubad. Lahat ng makita natin ay kailangan magdaan at makulayan ng isipan.

Limitado tayo kung ganon, ng srili nating pag-iisip. At ngayong pinag-iisipan natin ang ating pag-iisip, pwede ko kayang sabihin na limitado nating pinag-iisipan ang limitadong bagay na siyang gamit nating pantingin sa mismong isipan natin? Dito na ako mahihilo sa kakaisip dahil parang paikot-ikot ang takbo. Agn karanasan ay maitutulad ko sa repleksyon ko sa isang salamin sa berber shop na sa likod ay may katapat na salamin. Ang repleksyon ay may repleksyon din na papaliit nang papaliit hanggang sa hindi mo na makita ngunit sigurado kang mayroon.

Sa harap ng problemang ito, itanong ngayon natin kung mas maiintindihan ba natin ang sarili sa pamamagitan ng pag-iisip tungkol sa pag-iisip. Sa isang banda ay oo dahil ito ang ating kakayahan na nagsasabi sa atin na tayo ay tao. Sa pamamagitan din nito ay naitutulak natin ang limitasyon ng ating isipan sa antas na wala na tayong maibibigay pa, hanggang sa marating natin ang hangganan ng pwede nating maisip. Sa pamamagitan nito ay naiguhit ang validity ng ating kaalaman.

Ngunit sa kabila pang banda, ang pag-iisp tungkol sa pag-iisip ay humahantong sa puntong nakakahilo at nakakaduling. Kung gusto nating maintindihan ang sarili, siguradong ang kabuuhan ng ating sarili ang gusto nating makita. Ngunit nakita natin na limitado ang ginagamit natin upang tingnan ang isa pang limitadong bagay na siya rin nating gamit sa ginagawang pagsipat. Dahil dito'y imposibleng makita natin ang kabuuhan ng ating sarili. Makakuha man tayo ng isang snapshot ng kabuuhan, magiging isang larawan lang ito ng patuloy na nagbabagong sarili.

Walang komento: