Martes, Setyembre 28, 2004

Floorwax and Starcraft

Ang gulo ng kwarto. Maliban sa dating kalat na CDs, turnilyo ng ginagawang computer, hangers, at bag, nadagdagan pa ng mga tambak mula sa kabilang kwarto na pinipilit kong linisin. Hindi na ako makagalaw dito. Buti nga may lugar pa ako para maupo dito sa harap ng pyuter at mag-blog. Inilagay ko muna kasi dito ang kutson, shoe rack, mga libro, at kung ano-ano pa para malampaso ko ang sahig. Sobrang kapal na pala ng alikabok sa kabila. Sa isang sulok na pinag-alisan ko ng drawers ay pwede ko na sigurong gawing isang plot para pagtaniman ng marijuana at nang makapag-chongki ako dito kahit hindi na ako lumabas. O kaya pagtaniman ko ng munggo na pwede kong kainin. Yun, di ko na talaga kailangan lumabas pag ganon.

In fairness, natapos kong lampasuhin, pahiran ng floor wax at bunutin ang sahig. Makintab na ulit siya. Mayroon na akong matatawag na achievement for the day na pinagpawisan ko. O diba? Pero grabe yun lang ang na-achieve ko para sa araw na'to. Paano naman, laging nagyoyosibreak at nagko-coffee break. At ang lintek na Starcraft na lagi kong binabalik-balikan sa computer para maglaro sa battlenet at manood ng replays.

Nabanggit ko na rin lang 'yan. Naaliw ako nang malaman ko na may mga replays pala na may audio. May nagko-comment habang pinapanood ang replay. Ayos na ayos para sa tulad kong pinag-aaralan ang moves ng mga gosu sa Starcraft. May nagpapaliwanag ng mga taktika habang nagbabanatan ang dalawang kampo. Ayos din.

Umabot na sa ganitong level ang Starcraft gaming? Astig ne? Kung tutuusin, napakatanda na ng larong 'to pero itinuturing pa ring pinakamahusay at pinakamatagumpay na RTS (real time strategy). Bawat log-on ko sa battlenet, libo-libo ang online na naglalaro ng pinaka-chobong (chobo = newbie) money maps hanggang sa ladder games.

Maliban sa maganda talaga ang laro, nadagdagan pa ng fact na isa ang starcraft sa mga official games sa World Cyber Games. Oo nga pala, malapit na ang finals nito. Uubra kaya ang Team Philippines? Ayokong maging negative pero mukhang tiklap agad tayo tulad ng nangyari sa Olympics. Pinanood ko ang replays ng mga delegates natin, parang hindi naman pang-gosu. Average lang. :( Baka maulit na naman ang nangyari sa WCG 2003. Actually, siya pa rin ang delegate natin eh. Pero ewan natin, baka nag-mature na siya as a player at iba na ang swerte nya.

Nakakaaliw isipin na may ganitong sports event. Cybersports. Cyberathletes. Sa ating postmodern world, ito na yata ang pinakabagong cultural manifestation. Naalala ko tuloy ang klase ko sa philosophy of sports dati. Gamit ang phenomenological viewpoint, ano ang attribute na essential sa sports habang isinasaalang-alang ang pagkakaroon ng cybersports? Eh kasi nga naman, hindi na pwedeng physical activity dahil mga daliri lang naman ang ginagamit sa computer. O ang physical activity ba ng mga daliri ay pwede pa ring gawing batayan? Mas mabilis, mas magaling? :) O baka naman competition ang essence ng sports? E di sports din ang Miss Universe kasi competition din naman 'yon. May physical activity din yun, kaya di pwedeng sabihin na kombinasyon ng physical at competition. Ang kulet ne? Parang yung philosophical question kuno ni bituingmarikit: kapag nag- U turn ka ba kahit walang island, U turn pa ring matatawag? O pag nag- U turn ka ba na kailangan mo pang iatras ang kotse mo kasi kapos e U turn pa rin ang tawag? Kalokohan ne? Kaya yang philosophy para sa mga baliw lang 'yan. :p

2 komento:

emmanslayer ayon kay ...

galing-galing. naway d ka maubusan ng kwento at d mapagod sa blogging.

yosibreak ayon kay ...

salamat sa pagbisita dude! mabuhay ka.