Biyernes, Disyembre 17, 2004

May mga pagkakataon na itinatanong sa sarili kung ano ang ginawa ko sa buhay ko. Kadalasan, nangyayari yan pag sinusumpong ng lungkot, pag sawa na sa iba't ibang pamamaraan ng pagtakas, pag natapos na ang isang araw, umalis na ang lahat, ako at ang sarili ko na lang ang magkasama.

Magsisindi ng sigarilyo at aasang magisindi rin ang sigla. Sana'y mangarap akong muli.

Nangarap nga ba ako dati? Ni hindi ko na sigurado. Parang ang pangarap sa akin noon ay de-latang sagot lang pag may nagtatanong. "Anong gusto mong maging?" tanong ng guro, kapit-bahay, at ng kung sino pa mang nagka-interes. At isasagot ko'y "doktor" o kaya "computer man" na kapwa di ko naman naiintindihan noon.

High school, panahon ng ideyalismo at mapusok na kabataan. Naalala kong nangarap akong maging guro tulad ng mga dakilang ginoo sa mahal naming paaralan. Ngunit kahit sa sarili ko'y parang di ko na maipaliwanag kung anong nangyari mula noong sinabi kong magiging guro ako, hanggang sa nag-kolehiyong di natapos, at ngayong nakaupo ako sa harap ng computer at nagtatanong.

Matayog ang pangako ng aking nakaraan. Parang sa isang kwentong pantelenobela ang karakter ng kabataan ko. Isang munting bata sa isang buong pamilya at buong barangay ng kahirapan. Pagpasok nya sa eskwela, nagulat ang lahat sa pagpapakitang-gilas. May laman ang ulo ng batang ito. Bagay na maging abogado. Iho, ano bang gusto mong maging? "doktor" "computer man".

Mahuna ang tindig ng kasalukuyan. May lamat ang pag-ibig na sinselan ng manipis na porselana. Trabahong ginagawa dahil sa pera. Balintunang araw ang gabi, gabi ang araw.

Malamlam ang hinaharap. Lumabo na ang paningin ng diwa. Kinakain ng kasalukuyan ang hinaharap at ni hindi ko man lang nararamdaman.

Magsisindi ng yosi. Hithit. Buga. Ano nga bang gusto kong maging? Ang tanging sagot ko sa ngayon: "maging masaya."

6 (na) komento:

Bokbok ayon kay ...

amen to that.

Ako ayon kay ...

nalungkot naman ako sa sinulat mo. may mga bahagi din ng buhay ko na ganyan ang naramdaman ko. :( noon gusto kong maging manunulat, tapos ay maraming nangyari sa buhay ko, marami ding hindi nangyari... parang nawala yung pangarap na yon habang nangyayari ang lahat ng bagay sa paligid ko. tuwing naiisip ko yan, nalulungkot parin ako. para akong namatayan ng kaibigan nung namatay ang mga pangarap ko. :(

penge nga ng yosi...

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

sakto--ex_groupie

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

linked that page up on my site, http://exgroupie.motime.com. hope you dont mind. ill take it off, if you do. thanks. rock on.

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

yosi.. sumbungan ko, sandalan ko.
hinde pa ko iniiwan..
kaya.. saludo ko sa sinabi mo! :)
brattyblue

Hindi-nagpakilala ayon kay ...

paglaki ko, gudto ko pa ring maging tao. ^_^