HETO AKO NGAYON
Heto ako ngayon: laging nagsisisi
Sa pagkakasalang laging inuulit;
Kumpisal ang aking pangarap kung gabi,
Araw ko'y inimpok na inggit at galit.
Natutuhan ko nang supilin ang taka
Kahit sa balitang pumuti ang uwak;
Natikman ko na ring magpikit ng mata
Para di masunog ang sariling pakpak.
Kaya heto akong batik ng alabok,
Tumanda ay walang pinagkatandaan:
Lumaki ang bilbil sa serbesa't libog,
Lumabo ang mata'y walang natuklasan.
Bibig ko'y nagtila gagambang ulyanin
At magsalita man ay palipad-hangin.
-Rio Alma
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento