Huwebes, Enero 05, 2006

Hanggang Tatlong Hari pa ang Pasko

...kaya pwede ko pang ihabol ang entry na ito.

Nakngtokwang pasko yan, inubos ang pera ko.

***
Noong maliit pa ako, di naman ako masyadong nakinabang sa pasko. Medyo lang. Hehehe. Wala kasi akong mga ninong. More accurately, nawawala ang mga ninong at ninang ko. Sabi ni Nanay, may isang ninong at isang ninang ako. Nakalimutan ko na ang mga pangalan nila. Biglaan daw ang pagpapabinyag sa akin, noong nagkaroon ng libreng pangmaramihang pagbibinyag sa Tagbilaran, Bohol. Kung sino na lang ang mahatak, yung ninang ko, katropa yata ng Nanay. Yung ninong ko, siguro tambay lang na nahatak. Hehehe.

Matilde yata ang pangalan ni Ninang, di ko na maalala. Itatanong ko kay nanay. Natepok na yata si Ninang nang hindi man lang ako nabigyan ng kahit isang aginaldo. Sumalangit nawa.

OK lang ninang, wala akong sama ng loob!

***
Kaya wala akong regular na regalo noon. Pero may isang kwento na gusto kong ilagay dito.

Lagi akong sumasama kay Nanay sa trabaho nya dati sa Alabang. May pwesto sya doon ng buy and sell. Malapit na ang pasko noon kaya maraming mga laruan na naka-display sa palengke na nadadaanan namin pauwi. Akong si bilmoko, turo nang turo ng kung ano ano. May isang laruan na talagang gusto ko at talagang mabangis na pangungulit ang ginagawa ko. Laruan yon na RoboCop.

Walang kaming pera kaya hindi ako maibili ni Nanay. Syempre hindi ko alam noon ang mga usapin tungkol sa hirap at yaman. Basta gusto ko yung laruan na yun! Kaya sige! Atake! Kung ano-anong style na yata ang ginawa ko para ibili ako ni Nanay. Pero wa epek kasi nga wala namang pera.

Kaya kinain ko na lang ang takam ko; tinanggap ko na hindi na ako magkakaroon ng RoboCop.

Pero sa umaga ng paskong 'yon, ginising akong maingay ang paligid. Kinukulit ako ng mga kuya na gumising na. Masungit ako kahit noong bata pa kaya ang sungit-sungit ko pagkabangon.

Tapos si nanay, sabi nya sa akin na tingnan yung kahon ng sapatos sa ilalim ng lalagyan ng TV naming black and white. Pagtingin ko sa loob ng kahon ng sapatos....

Nandun yung RoboCop ko!

Ahihi! Cute no? Na-touch talaga ako. Yun ang pinakamasayang pasko ng aking kabataan. Ang kaisa-isahang aginaldo ng Nanay sa bunso nya.

Hindi pa rin ako nagrereklamo, masaya nga e!

***


Ganito ang hitsura ni RoboCop, baka hindi na ninyo sya kilala. Hehe.

***
Ngayon na matanda na ako, syempre may mga naglakas-loob na kuhanin akong ninong. Sabi ko sa kanila hindi nila alam ang ginagawa nila. Pero sabi nga, bawal tumanggi pag kinuha ka. Kaya ayun.

Hindi pa ako nagreregalo sa loob ng anim na taon. Yan kasi, winarningan ko na nga sila na di nila alam ginagawa nila.

Hehehe. Pero nitong Pasko 2005, nagbigay na ako. Humiling ang anak ni bespren Third ng 'anything spiderman,' binigyan ko sya ng spiderman bag. Lintek, halos 400 pesos na pala yun.

Tapos yung dalawang iba pa sa mga brod, hindi naman kinuha ang regalo nila. Nasa akin pa ngayon. Minadali ko pa naman, nagpakahirap akong makipagsiksikan sa mall, pumila sa pagpapabalot! Sana di na ako gumastos. Hehehe.

Ganon pala ang pakiramdam ng nagbibigay ng regalo sa inaanak. :p

***
OK. Ano naman ang para sa akin ngayong pasko?

Nakabili ako ng sapatos sa halagang 250 pesos! Astig! Puma pa ah! Pero syemps, imitation. :p Pero kahit na. Panalo pa rin para sa halagang 250.

Mapapahinga ko na nang konti ang paborito kong chucks. Oo nga pala, napapansin ko na nauuso na naman ang chucks. Tiningnan ko kung magkano na sya ngayon at tumataginting na dalawang libo na sya. Nakngpotek na yan, e napakasimple naman ng disenyo at materyales. Yung mga kumag na punks daw sila kaya chucks ang sapatos nila, hindi nila alam sinasabi nila. Sinusuportahan nila ang sistemang dapat na sinasalungat ng prinsipyong punk sa pagbili ng chucks!

Anyway, pasko at dapat di tayo galit. Heto ang picture ng nabili kong Pekeng Puma oh. Pwede naman di ba?




May remote control car din ako pero saka ko na ilalagay dito. Sobrang haba na nito at kailangan ko nang magtrabaho. Happy New Year!
***

Walang komento: