Martes, Nobyembre 07, 2006

Birthday Magic

Matagal-tagal ko rin inisip kung itutuloy ko ang balak kong bumili ng motor. Marami sa mga kaibigan ko ang agad na tumututol dahil delikado. Lalo na ngayon na marami tayong nababalitaang aksidente sangkot ang motor. May mga pictures na kumalat sa internet. Nakita nyo ba yun? Grabe. Nakakatakot din talaga.

Pero alam mo ba yung ganon, nasa proseso ka pa lang ng pagdedesisyon pero parang desidido na ang kalooban mo. Yung rational side na lang ang naghahanay ng mga rason kung bakit hindi dapat na bumili. Mabigat sa bulsa, sayang ang pera, mag-ipon na lang para sa bahay, masyadong delikado, uso ang nakawan ng motor ngayon, baka mawala lang.....at hahaba at hahaba ang listahan. Pero yun nga, parang kahit anong ihanay na dahilan, ang gusto ay gusto.

Kaya noong birthday ko, binigla ko na. Pinuntahan ko na yung dealer na nadaanan ko nung kailan. Binili ko na yung modelo na pinapantasya ko ng ilang linggo na -- ang SYM Magic 110RR.






Yan sya. Di ba cute? hehe. Ang saya.

Nahirapan akong pumili ng kulay kasi maganda rin yung green at pula. Marami nang pulang motor, at parang medyo patay yung pagka-green kaya dilaw ang kinuha ko. May bonus pa sa visibility, tamang tama pag papasok ako sa gabi.

Hindi na rin mabigat sa bulsa, kung tutuusin, kasi ibinagsak ko na yung 75% ng price, tapos hulugan nang max 3 months yung balance. Mabigat yung isang bagsak na gastos pero hindi ako matatali sa utang. At di hamak na mas maliit ang interes, na pumapatak na doble pag kinuha ko ng isa o dalawang taon.



May 28 km na ang natatakbo namin nyan. Nai-angkas ko na rin si Peachy. Ang takot siguro nya. Hehehe. E kasi hindi talaga ako marunong magmotor. Marunong lang akong magbisikleta at magmaneho ng kotse. Lakas ng loob lang. At ingat. Bale sa loob lang ng village muna habang nagpa-praktis.

Hindi ako nagsisisi na bumili ako ng motor. Parang ibinabalik ako sa pagkabata, noong panahon na nag-aaral pa lang akong magbisikleta. Katumbas ng tamis ng unang pagkakatuto kong bumalanse sa BMX ang unang pagsampa ko sa motor ko. Akin ito. Kasama ko'to. At nung lumalarga na sa kalsada, hindi naman mabilis ang takbo pero para bang hindi sumasayad ang gulong sa lupa. Pakiramdam ko, kami'y lumilipad.

1 komento:

qroon ayon kay ...

Aba-aba! May motor na si Shaider!