Sabado, Hunyo 18, 2005

aking napatunayan ang huling el bimbo

may ilang stages na dinadaanan ang isang nawalan, sabi ng mga psychologist. una ang pagtanggi sa katotohanan, denial. susunod ang galit. tapos bargaining, nakikipagtawaran sa kapalaran. pagkalugmok ang kasunod, depression. pagtanggap ang huli.

di ako sang-ayon na pagtanggap ang huli. pagsisisi ang nasa huli. lagi.

saan na nga ba ako dyan sa taragis na dinadaanan kong ito? siguradong tapos na ako sa pagtanggi, yun nga ang naging dahilan kung bakit naging mas masakit. kung bakit may kung anong lumukob sa akin at pumunta pa ako sa department para makita sila. gago. pero oo, di na ako in denial. totoo na to pre.

galit? medyo. siguro mas matimbang na nandito ako. galit sa sarili, oo. sobra. pero pinipigil ko ang galit ko sa kanya dahil alam ko na wala akong ni katiting na karapatan. siguro sinasadya na rin na masaktan ako, ewan ko. nandito ako sa stage na to. yung nababaliw ka sa kapipigil sa pagsa-sour graping. ang epikong labanan ng ego at superego.

kasi talagang masakit yung ginawa nya, ano pa ang sabihin kong pagdedepensa para sa kanya. masakit talaga eh. ano magagawa.

pero yun nga, papasok na naman si superego, sasabihin, hoy! gago! ikaw ang may sala nito!

yang pakikipagtawaran, bargaining, parang nauna bago yung galit stage. ito yung ilang tagpo na nagmukha talaga akong tanga sa harap nya. yung di ako makapaniwala na ginawa ko yun, yung ganong pagmamakaawa na kahit kailan sa buhay ko di ko pa ginawa. para lang sa isang pagkakataon. pagkakataon lang.

at kasabay pa nung pagmumukha kong gago e yung makakita ako ng mga bagay na talagang pipitpit pa sa mas durog pa sa pinong buhangin. di ko masabi kung ano yun.

nalulugmok? madalas. siguro ang mga taong dumadaan sa mga stage na'to ay nagpapalipat-lipat sa galit at pagkalugmok. yung nakatunganga, blangko talaga. di makatulog. di makakain. nangungulaba ang mata. manhid na sa yosi. yung tipong masasagasaan ako ng trak sa tandang sora at di ko mapapansin.

huli daw ang pagtanggap. hindi eh. hinding hindi ko matatanggap yun. hindi kasya. ang huling el bimbo ay pagsisisi. dahil laging huli ang pagsisisi.

***

Sayang

sayang bakit hindi kita niligawan
ngayon ako'y nanghihinayang
kasi naman tatanga-tanga pa ako noon
walang humpay na paghintay sa hindi
dumarating na pagkakataon
lagi naman kitang nakakasama
ewan ko kung bakit ba wala pa ring nagagawa
kahit na napakadali mong kausapin
ewan ko ba kung bakit ang hirap pa ring aminin
madalas naman tayong naglolokohan
dinadaan ko nalang sa biro ang tunay kong nararamdaman
kaya siguro hindi mo sineryoso ang aking mga sinabi
'yan tuloy walang nangyari
kakalipas lamang ng isang sem
nung makita kita na mayroon ibang kasama
magkahawak ang inyong mga kamay
ang dibdib ko ay sumikip
ang paglunok ko ay naipit
aking napatunayan na nasa huli ang pagsisisi
para bang gusto kong umiyak ngunit para saan pa
wala namang magagawa

Walang komento: