Sabado, Setyembre 13, 2008
Bahay Namin Maliit Lamang Pero Pero Pero
Ito ang bahay namin sa Las Pinas. Kuha yan noong Mayo pa, ginagawa pa lang noon at hindi pa namin nababalikan. Ano na kaya ang hitsura ngayon? Dapat tapos na. Ang sarap isipin na malapit na kaming magkaroon sariling bahay, kapirasong sulok sa Pilipinas na matatawag mong sayo talaga.
Magkatulong kaming mag-asawa sa paghuhulog dyan. Pagkatapos ng halos isang taon, natapos na rin naming bayaran ang downpayment. Sakripisyo din talaga. Bawas ang gastos, walang gimik, walang luho, (o sige, konting gimik, konting luho), at halos dito lahat napupunta ang kinikita. Mabuti na lang talaga at may trabaho rin ang asawa ko. Dahil kung ako lang ang kumikita, malamang hindi mangyayari 'to.
Inaayos pa namin ang paglilipat ng loan sa PAG-IBIG. Sana totoo ang programa ni Kabayang Noli, at nang magkasilbi naman sya at least sa amin. Sa lunes, pupunta kami sa developer para asikasuhin ang mga papeles. Kung walang problemang susulpot, gusto naming makalipat bago ako mag-birthday sa November.
Marami nang plano si Misis para sa bahay. Gusto nya daw lagyan ng gate para mas safe, gusto daw nya minimalist lang ang dating kasi maliit lang, ok daw ba ang temang Zen? Saan ilalagay ang sofa? Ang TV kailangan ding bilhin, anong kulay ng kortina ang bagay sa kulay ng pader? Dito sa gilid, magtatanim tayo ng mga halaman, ganitong bulaklak ang gusto ko para makulay, at yan may space sa harap, dyan natin ipaparada ang kotse natin na wala pa naman.
Nakakatuwang isipin. Ang sarap mangarap. Ang sarap mabuhay nang may hinahangad.
Mag-subscribe sa:
I-post ang Mga Komento (Atom)
Walang komento:
Mag-post ng isang Komento