Lunes, Oktubre 18, 2004

bus ng siglo

e may firefox etension naman pala na aggregator ng RSS at Atom feeds, ang Sage. bukod pa yan sa built-in live bookmarking ng firefox mismo. astig. nakita ko na ang hinahanap ko. firefox, sankapa.
==

bisitahin ninyo ito paminsan-minsan, ang Funny Photo Blog. dito ko nakita ang picture na'to.



may tatalo pa pala sa mga bus sa probinsya dito sa pilipinas kapag panahon ng pyesta. hehehe. naalala ko, noong maliit pa ako sa probinsya ng Bohol, naranasan namin ang ganyan. hindi kami ang nakasabit at nagkukumpulan sa bubong ng bus. kasama ko noon si nanay at kami ay normal na pasahero, maayos na nakaupo sa loob ng bus. lumang estilo ang bus na yon, syempre noon pa yon eh. yung kahoy ang yari, masyadong maingay ang makina. hindi na ako nakakakita ng ganon ngayon.

pero lumalayo ako. yun nga, pyesta noon at pauwi kami papuntang maynila. punuan ang bus na iilan lang ang byahe. mantakin mong hindi na tumitigil ang bus para magsakay, nagagawa pa rin ng mga sabit boys na makasakay. ang tatapang. parang sa picture na yan, puno ang bubong at puno ang gilid. ewan kung papaano nila nagagawa. hirap na hirap na ang makina sa bigat ng sakay pero tuloy pa rin. naririnig namin na nagmumura na ang drayber. hindi na kami humihinga sa loob hindi lang dahil sa siksikan din doon. kundi lumalangitngit na ang bubong na parang bibigay at babagsak sa amin.

hanggang sa isang pagliko sa gilid ng bundok ang muntik nang magpatumba sa bus. umangat ang kanang gilid. kung walang pag-unawa sa basic physics ang mga nakasabit sa kaliwang gilid at hindi sila tumalon, siguradong sakuna ang nangyari at hindi na ako nagsusulat dito sa aking fabulous blog dahil isang bangin ang patutunguhan ng kawawang bus.

dalawang dekada ang nakaraan. iniisip ko tuloy ngayon kung nakasakay pa rin ako sa kakarag-karag na bus na yon. lumalangitngit ang bubong at tila mabubuwal sa bigat ng dala.

Walang komento: