Huwebes, Hunyo 09, 2005

Asa

Pampalubag loob #1: Kung kayo talaga, kayo talaga. Kahit gaano katagal, kahit ano pa ang mangyari, kung nakatadhana na kayo talaga ang para sa isa’t isa, kayo talaga.

Kaya hayaan ko na daw. Bitawan na yung ‘go not gently’ mode. Dahil lalo lang siyang nawawala sa ganon. Pero marupok ang paniniwala ko sa tadhana, sa fate. Pinagtatrabahuhan ang mga bagay na gusto. Active at hindi passive ang pagkakamit ng pangarap. Kaya kayhirap hayaang tangayin ng panahon ang lahat.

Pampalubag-loob #2: Hindi mo alam kung anong mangyayari sa future. Huwag mawalan ng pag-asa. Habang may hininga, may pag-asa pa. Ika nga ni Bamboo. Aleluya.

Ito ang dakilang posisyon. Hindi nga natin alam ang mangyayari, baka magulat tayo. Pero ewan ko, hirap din akong kumapit dito. Parang sa nobela lang natatagpuan, kayhirap paniwalaan. Ika nga ni Rey Valera.

Pampalubag-loob #3: Hindi pa siya nagsasalita nang patapos. Ayaw niya sa ngayon at walang pangako sa hinaharap. Huwag mawalan ng pag-asa sa di-ngayon.

Ako lang ang nagpupumilit dito kung tutuusin. Interpretasyon ko sa sinabi niya. Pero sabi nya sarado na nga daw ang pinto. Bakit may “sa ngayon?”, tanong ko. Kasi nga balik sa #2, di natin alam ang mangyayari sa future. Ang lupit no? Hindi naman ako pinaaasa pero umaasa ako sa qualifier ng sinabi.

Kahit ilang pampalubag-loob pa ang maisip ko o sabihin sa akin, lalong lumalaki ang larawan na hindi na talaga niya ako mamahalin pang muli. Ayoko mang sabihin, ako mismo, alam ko din na hindi na mangyayari.

Heto, naghahanda na ako sa ganitong pagkikita:

Pagkikita
Michael Coroza

Nakita kitang tumawid sa kalsada,
may bitbit na pinamili, pumasok
sa Mercury. Hindi kita agad nakilala,
medyo tumaba ka at parang pumandak.

Sisitsit sana ako at isisigaw
ang iyong pangalan ngunit nag-alangan
akong maabala ang iyong pagmamadali
at ang totoo’y nagmamadali rin ako.

Hindi mo rin siguro ako makikilala
agad, baka napagkamalan mo pang
alagad ng batas sa laki ng tiyan at halos
hindi makalakad sa bigat ng katawan.

Mahigit nangi isang dekada mula nang
huli tayong magkita, namumugto noon
ang aking hinahon sa harap ng altar
na may tanglaw na hindi nalulusaw.

Nakahanda ako noong ihandog sa iyo
ang daigdig. Subalit parang may putik
na pinalis mo ang aking panunuyo, bato
ang birheng naroon at nakatanaw sa malayo.

Nabalitaan kong nagpunta ka sa Amerika
at doon na nag-asawa. Susundan sana kita,
upang makumusta, sa loob ng Mercury
danga’t kumakaway na ang tagatawag ng taxi.

Walang komento: