Linggo, Hunyo 12, 2005

lakad

naglakad ako kaninang alas tres ng umaga mula sa tulay sa katipunan papunta sa commonwealth ave. wala na kasi akong pamasahe at isa pa wala na ring masakyan. masyadong mahal yung tinataga ng mga traysikel. ok din palang experience yun.

tahimik ang katipunan, walang tao maliban sa ilang lasing at mga aninong doon na natutulog sa mga sulok ng kalye. pakatapos ng isang yosi, nasa tapat na ako ng dating tinitirhan. tumayo ako doon sandali. may bago nang nakatira. may nakasampay na panty at bra sa labas ng dati naming kwarto. parang gusto kong pumasok, babatiin ko lang yung bahay.

pagkatapos ng ikalawang yosi, nandoon na ako sa gasolinahan. parang biglang nag-iba yung paligid. dumilim. yung ilaw ng mga humaharurot na sasakyan na lang ang liwanag ko sa daan. astig doon. naririnig mo yung tibok ng puso mo pag biglang tumahimik at dumilim dahil walang kotseng dumadaan.

tagaktak na ang pawis ko pagdating sa balara. ikatlong yosi. mas dumilim doon. sumikip na rin ang sidewalk dahil may kabahayan na. nakakabadtrip yung mga asong nakakasalubong ko. kasi pareho kami handang tumahol pero mga bahag ang buntot.

ang tagal ko na rin palang di pinagpapawisan nang ganon. ayos din. di ko napansin nasa may tandang sora na ako. basa na ako ng pawis. wish ko lang na naipawis ko rin ang bigat ng loob ko.

Walang komento: